Martes, Oktubre 9, 2012

Facts about meee! :D

Sige, magmamaganda ako. Kunwari, interesado kayong malaman ang ilang bagay-bagay tungkol sa'kin. Hahahaha! (Obvious bang wala na naman akong maisulat sa manuscript ko?)

Ito na...
Facts about me:

1. Eng-eng ako kaya sa kasagsagan ko ng pagsusulat ng manuscript ay naririto ako at nagba-blog ng walang kakuwenta-kuwentang bagay.

2. Hindi ako mayaman. Ang daming taong akala, basta writer ka, mayaman ka na. Nakakaloka kayo! Hahaha kung mayaman ako, may sarili na akong publishing company. 

3. Puwede na akong mag-apply na endorser ng Nivea at Dove dahil lahat yata ng personal kong gamit ay ganoon ang brand.

4. Ayoko ng may umiidolo sa'kin tulad na lang ng ayokong umiidolo ng iba. Hindi ko sinasabing ayoko ng iniidolo ako dahil masyado akong magaling para gayahin. Ang point ko lang, ayokong maka-disappoint ng tao. Isa pa, hindi ako magaling na karapatdapat na idolohin. Promise!

5. May mga pagkakataon na nakatulala lang ako sa manuscript ko dahil sobrang drained na ang utak ko. Tapos sa tinagal-tagal ng pagtulala ko, iko-close ko rin si Microsoft Word. Nag-aksaya lang ako ng oras.

6. Madaldal ako sa mga taong close ko. Pero kapag bagong kakilala, puwede mong isiping 'pipi' ako. Hindi kasi ako masyadong magaling mag-feeling close. Napapahiya talaga ako.

7. Hindi ko alam kung paano ko natatawag na writer ang sarili ko. Wala lang, parang ang gagaling kasi nung ibang writers tapos ihahanay ka sa kanila. Nakakahiya!!

8. Hindi ko kayang magsulat ng sunod-sunod na chapters. Kailangan kada tapos ng isang chapter ay may gagawin akong iba. (Katulad ng ginagawa ko ngayon.)

9. Mahilig ako sa kape. Kahit anong kape, walang problema sa'kin. Malamig, mainit, may cream o wala, basta wag lang iyong hindi nakatimpla. Pero kung maisipan ninyo akong ilibre, sa Seattle's Best, ha? Hahaha!

10. Natutuwa akong makipag-usap sa mga taong may naibabahagi sa'king kakaiba. Iyong mga bagay na pag-iisipan kong mabuti 'tapos maisusulat ko sa manuscripts ko. 

11. Enjoy din ako sa pagbibigay ng advice. Pero iyong mga advice na ibinibigay ko sa iba, malamang sa malamang, hindi ko iyon isinasabuhay.

12. Mahilig akong kumain ng manok. Kahit araw-araw, manok lang ang ulam, walang problema! Hahaha!

13. Nakikinig ako ngayon sa kantang 'Pers Lab'. Kung bakit, hindi ko rin alam. In fairness, ang cheesy talaga ng kantang 'to.

14. Mahilig ako sa mini skirt at short shorts. Wala lang, ang liit ko kasi, mapatunayan ko man lang ba na may legs ako :D

15. Palagi akong nagkakaproblema sa timeline ng mga nobela kapag magkaka-konek sila. Kasi naman! May short-time memory loss yata ako. Iyon ang laging sinasabi ng editor ko... "Hindi nag-match ang timeline nito sa nobelang ito.. etc.. etc.." Mahilig akong magpahirap ng editor. Ang sama ko.

16. Wala akong talent sa paggawa ng madramang nobela. Minsan, ito na, drama na, bigla pang magkakaroon ng comedy. Hindi kasi talaga kaya ng powers ko. Iyong unang attempt ko ng drama? Iyon ipinare-write sa'kin. Ayos 'diba? At alam niyo ba ang title niyon? Cupid's Haven Trilogy 1: Dainty Diane. Iyan ha? Alam niyo ng pinahirapan ako ng forever request niyo sa'king si Diane :D

17. Hindi ako natutuwa sa lasa at amoy ng bagoong. Pasensya na, may kaartehang taglay talaga ako, eh. Pero keri ko ang patis, puwede na iyong pamalit sa bagoong kapag may kare-kare. Hindi ko kasi talaga matanggihan ang kare-kare.

18. Hanggang ngayon kinakabahan pa rin akong magbasa ng feedback ng PHR Editorial Staff sa mga nobela ko. Nakakakabog kaya iyon ng dibdib kahit madalas na namang mangyari. Para akong sinesentensyahan kapag may ganoon sa email ko.



-- Tama na nga ito. Wala na akong maisip hehe :) Ipagdasal niyo naman ako... na sana umusad naman ako sa isinusulat ko. Salamat sa magdadasal para sa'kin. Hehehe!

Biyernes, Oktubre 5, 2012

Cheesy Me! :)

Bigla ko lang naisip na ibahagi ito...

I was reading Baby Luna's blog, she was devastated and hurt because of a reader. Isang reader na masasabi nating nagbigay ng isang masamang komento sa isang nobela niya na, take note, paborito ko. 

Hindi naman kasi natin mapi-please ang lahat. Iba ang taste ko sa taste mo. Iba ang nakakapagpasaya sa'kin kumpara sa'yo. Well, it's a free country, you can do what you want! Haha! Pero sana sa lahat ng bagay na ginagawa natin, iniisip natin ang mararamdaman ng iba.

Hindi madaling magsulat ng manuscript. Nakakaiyak kapag ibinalik iyon sa'yo dahil sa ganito at sa ganyang dahilan. Hindi madaling mag-revise lalo na at hindi mo na alam kung paano mo pa pipigain ang utak mo para mas maging maganda ang nobela mo. Pero ano ang pinakamasakit? Iyong halos sabihin na sa'yong basura ang nobela mo. Nobelang iniyakan mo dahil sa hirap, nobelang minahal mo na at itinuring na anak. 

I've been there, people were throwing words against me. Take note, ha? People, group of persons. Mga taong galit sa'kin for doing a trashy novel. Kung alam lang nila ang pinagdaanan ko bago ko natapos ang nobelang iyon. Sooooobrang sakit. Sobrang sakit mapulaan ng iba.

Pero tinanggap ko lahat ang sinabi nila. Mali rin naman ako, tinanggap ko iyon. Minsan nga pati ako nagdududa na rin sa sarili ko dahil sa sinasabi sa'kin ng iba. Minsan sinabi ko na rin sa sarili kong wala akong kuwentang manunulat. Wala akong future sa writing, hindi iyon para sa'kin. Pero hindi, eh. Hindi pala iyong masasakit na salita ang dapat kong bigyan ng pansin kundi iyong mga encouraging words mula sa iilang taong naniniwala sa'kin.

Mula sa kanila, bumangon ako. Pinilit ko ang sarili ko... na muling magtiwala sa kakayahan ko. Hindi iisang manuscript ang isinauli sa'kin ng PHR. Hindi dalawa o tatlo o apat. Maraming-marami... Pagsuko na lang ang kulang sa'kin noong mga panahon na iyon. Kaso tama ba'ng sumuko na lang ako ng wala akong napapatunayan?

Tama ba na tumigil ako sa kalagitnaan? Siguro kung dinanas niyo o natanggap niyo ang lahat ng salitang sinabi nila sa akin noon, titigil na lang kayo. Sasabihin niyo sa sarili niyong wala kayong kuwentang writer. Wala kayong mapapala sa pagsusulat. Ganoon katindi iyon. Lumiit hindi lang ang pride ko kundi buong pagkatao ko.

Siguro nga kilala niyo na ako. Siguro nga may nagbago sa tingin niyo sa'kin pagkatapos niyong malaman kung sino ang tao sa likod ni Andie Hizon. Siguro nga kamumuhian ninyo ako. Pero sana pagkatapos niyon ay ma-realize niyong hindi masamang mangarap. Na hindi hadlang ang masasakit na salita o komento ng iba para ipagpatuloy natin ang mga bagay na gusto nating gawin. Hindi sapat ang salita para ibaba natin ang sarili natin. 

And one day in November last year... I received a message from my former editor. Siya na ang itinuring kong nanay bilang si Andie Hizon, bilang writer. Isa siya sa mga taong kasama ko noong nakalugmok ako. Malungkot ako sa katotohanang na-fail ko siya. But there was something that she told me. It was a short short short message but it uplifted my whole being.

"ok lang. i'm proud of you. lam mo na yon kung bakit. hihi"

Yan lang ang sinabi niya sa'kin noon. Pero pakiramdam ko narinig ko na ang lahat ng gusto kong marinig. Ang mga salitang iyan ang nagtulak sa'kin na mas ayusin pa ang pagsusulat ko. Iyan ang nagsilbing gamot ko noon, gamot sa lahat ng masasakit na salitang tinanggap ko.

So, bakit tayo magpapatalo sa salita ng iba? 


:)

Lunes, Oktubre 1, 2012

Conflict... Bakit kailangan kita?!

Naudlot ang pagsusulat ko...


Siyempre dahil tamad ako.


Tapos wala ng matinong eksenang pumapasok sa utak ko.


Tapos 'nung sinulat ko ang mga dilemma ko, ang mga insecurities ko bilang manunulat, parang kinain na ako ng mga insecurities na iyon.


At ang 'last but not the least'...


WALA NA NAMAN AKONG MAISIP NA CONFLICT!!!!


Bakit naman ba kasi ganun? Bakit kailangan ko 'yan sa buhay ko? Hay! Tell me, bakit kailangang may dahilan para magkahiwalay o magkatampuhan ang mga bida sa nobela? Bakit kailangang may hahadlang sa pag-iibigan nila? Waaaah! Tell me!!!


Ang sarap tuloy kumanta...


Bakit ba kailangang may intriga sa isang magandang istorya at laging may kontrabida para mang-agaw ng eksena? Ngunit ang lahat ay aking gagawin upang muli kang maging akin. At hindi magpapatalo ang leading man sa kuwento. Maghihintay pa rin ako ng twist sa bandang dulo. Sana'y happy ending ang love story natin. 


Hahaha! Wala lang, ang gulo ko 'no? Pagpasensyahan niyo na po ang walang kuwentang writer na nagpapapansin na lang dahil walang maisip na conflict :))


Hindi ba talaga puwedeng hindi nagkaroon ng problema sina hero at heroine and they lived happily ever after na lang? Kung sa bagay, ako nga at ang boyfriend, away ng away, ang mga karakter pa kaya sa mga nobelang ginagawa ko?


So, ano na, Andie? (Kinukulit ko na ang sarili ko hahaha!)


Sorry na, wala pa rin akong maisip na conflict, e. Bukas ka na lang kaya magsulat?



Tama na nga ito. Napa-praning ako. 
---